[ OTC MEMORANDA SIRKULAR BLG. 2014-03-007, March 05, 2014 ]
MGA GABAY PATUNGO SA 100% PAGTUPAD/PAGGANAP NG MGA KOOPERATIBANG PANSASAKYAN AT MGA KASAPI NITO SA REKISITO NG CETOS
Date Filed: 13 August 2014
Ang Cooperative Education and Transport Operation Seminar o CETOS ay isang uri ng pagsasanay o seminar na ginawa upang makapag-bigay ng mga pangunahing pag-aaral at oryentasyon hinggil sa kung paano gumagalaw ang kooperatiba bilang isang organisasyong pang-negosyo at serbisyong pangtransportasyon. Sa katunayan, ang RA No. 9520 o ang Cooperative Code of the Philippines of 2008 at mga suportang alituntunin nito, ay nagbibigay pagpapahalaga sa CETOS bilang isang edukasyong sangkap at paunang obligasyon sa pagsisimula ng pag-sanib sa kooperatibang pansasakyan. Ito rin ay nagbibigay ng mga pangkalahatang inpormasyon at sistema na kinakailangan ng isang bagong kooperatibang pansasakyan at/o ng isang bagong kasapi bilang armas upang simulan at harapin ang mga inatang Gawain sa kooperatiba.
Upang mapalaganap ng husto ang CETOS, pinagpasyahan ng OTC Board, sa regular na buwanang pagpupulong nito nuong ika-26 ng Pebrero 2014 at pinagtibay ang Resolusyon Bilang 2014-02-08, na bigyan ang lahat ng mga kooperatibang pansasakyan ng tatlong (3) taong panahon mula sa paglathala ng sirkular na ito, para ganap na mapag-gampanan ang pagsasailalim sa CETOS ng lahat ng mga kasapi/miyembro ng mga ito. Ang paglabag sa direktibang ito ay maaaring maging batayan ng Tanggapang ito para maantala/mapigil ang proseso ng aplikasyon sa CGS renewal o rebokasyon nito, alinman ang mas angkop.
Bilang pagbibigay naman ng pagkakataon sa lahat ng mga kooperatibang pansasakyan na maisakatuparan ang altuntuning ito, ang lahat ng mga kooperatibang pansasakyan ay hinihikayat ng mag-organisa at mamahala ng kanilang sariling aktibidades o programa sa CETOS para sa kanilang mga baguhan o datihang mga kasapi o miyembro na wala pang seminar batay sa mga sumusunod na kundisyon:
- Ang inyong kooperatiba ay mayroong naipon na hindi bababa sa tatlungpo (30) at di tataas sa apatnapo (40) bilang ng mga kasapi o miyembro na nangangailangan ng CETOS;
- Ang inyong kooperatiba ay mayroong maayos at angkop na lugar at pasilidad kung saan idadaos ang seminar; at
- May isang pederasyon o mga dalawa (2) o higit pa na mga grupo ng mga kooperatibang pansasakyan na may pinag-samang bilang na kasapi mula 30 hanggang 40 na sasailalim sa CETOS at mayroon din angkop na lugar at pasilidad para sa isasagawang seminar.
Sa mga interesado at may kakayanan sa mga nabanggit, ang mga sumusunod na paalala at alituntunin ay inyong maging gabay:
- Para sa kaalaman at tugon ng Tanggapang ito, ang kooperatiba pansasakyan o pederasyon ay kailangan magsumite ng liham sa amin, na di bababa sa dalawang (2) linggo bago ang itinakdang iskedyul ng seminar, kung saan nakasaad dito ang balak na pagsasagawa ng CETOS, ang petsa at lugar kung saan gagawin, ang bilang ng mga dadalo at ang paghingi ng mga kinakailangang mga tagapagsalita o speakers buhat sa OTC.
- Kung bibigyang daan ang liham at hiling ng kooperatiba, ang OTC ang siyang magtatalaga at magpapadala ng/ng mga tagapagsalita o speaker/s sa itinalagang CETOS.
- Ang kooperatiba ang siyang may pangkalahatang responsibilidad sa pamamahala ng gagawing CETOS kasama ang mga kinakailangang pondo o gastusin para dito (materyales, pagkain ng mga dadalo, atbp.), Ang OTC ang siyang magbibigay ng/ng mga tagapagsalita, pagtatalakay sa mga modula/paksa ng CETOS at ang pagsasagawa ng pang-grupong sertipiko ng pagtatapos o group certificate of completion na walang kinakailangang dagdag gastos para sa kooperatiba.
Sa mga kooperatiba na wala pang kakayanan o di makakatugon sa mga nabanggit subali t may mga kakaunti o patingi-tinging mga bilang ng mga bagong kasapi na nangangailangang mag-CETOS, maaaring makipag-ugnayan na lamang sa Tanggapan ito para mabigyan daan ang pag-iskedyul at pag-tanggap ng mga dadalo sa seminar batay sa mga buwanang programa sa CETOS na maaaring isagawa dito sa pasilidad ng OTC o sa iba pang itatalagang lugar.
Sa ganitong sistema ang mga kooperatibang pansasakyan ay makakatugon sa pangangailangan ng CETOS na may alternatibo o pagpipiliang paraan batay sa kung ano ang mas praktikal at kakayahan ng mga ito.
Para sa kaalaman at aksyon ng lahat.
(SGD) MELCHOR V. CAYABYAB
Chairman